
Ano ang optic neuritis? Narito ang mahahalagang dapat malaman tungkol sa kondisyong ito.
Nakakatakot ang magkasakit. Hindi lang dahil sa wala kang kasiguraduhan sa mangyayari sa iyong katawan. Kung hindi alalahanin mo rin ang iyong mga maiiwan. Ang umaasang pamilya at maliliit pang mga bata na hawak mo ang kinabukasan.
Kamakailan lang sinubok ako ng nakakatakot na pagsubok sa aking kalusugan. Nagising nalang ako isang araw na hindi na makakita ang kaliwa kong mata. Agad akong nagpatingin sa doktor. Ang diagnosis ay tinawag na optic neuritis. Bago sa pandinig ko kahit sa mga kakilala at kaibigan kong nalaman ang aking sitwasyon. Pero ano nga ba ang optic neuritis? Ano ang sintomas ng kondisyong ito? Ano ang dahilan ng pagkakaroon ng optic neuritis at ano ang lunas para dito?
Ano ang optic neuritis?
Ayon sa American Academy of Ophthalmology, ang optic neuritis ay isang kondisyon na kung saan nagkakaroon ng pamamaga sa optic nerve o ugat sa mga mata. Ang pamamagang ito nakakaapekto sa pagsesend ng light signals mula sa likod ng mata papunta sa utak. Kaya naman nagkakaroon ng problema o pagbabago sa vision ng taong nakakaranas nito. Maaring maging malabo ang paningin o maaring pansamantalang mawala ang paningin o hindi makakita.
Sa sitwasyon ko, ito ang nangyari sakin. Bigla nalang naging dark gray ang vision ko sa kaliwa kong mata. Wala kong makita kung hindi parang dark gray na kurtina na tumatakip sa kaliwa kong mata.
Bago pa tuluyang mawala ang paningin ko sa kaliwang mata, may mga sintomas ng optic neuritis na pala kong nararanasan at hindi ko agad binigyang pansin. Ito ay ang mga sumusunod:
Mga sintomas ng optic neuritis
Pananakit sa mata
Isa sa mga sintomas na naranasan ko bago tuluyang mawala ang paningin ko sa kaliwang mata ko ay ang labis na pananakit sa mata ko. Ito ay parang sakit na maihahalintulad sa pagkakaroon ng sore eyes. Ito yung tipong maluluwa ang mata sa sakit na mas sumasakit pa sa tuwing humihiga. Pero kung ikukumpa ang sore eyes o conjunctivitis sa optic neuritis, walang makikitang pamumula sa mata. Ang mata ay normal at maayos kung makikita visually.
Flashing lights
Maliban sa pananakit ng mata, may isa pa kong kakaibang naranasan sa kaliwang mata ko bago ito hindi makakita. Ito ay ang pakiramdam na may reflection o ilaw sa ibabang bahagi ng kaliwang mata ko. Tila parang may ilaw sa ilalim na bahagi ng kaliwa kong mata.
Biglaang hindi pagkakita ng mata
Ang pinakakatakot na sintomas ng optic neuritis ay ang pagkawala ng paningin o vision sa apektadong mata. Sa kaso ko ito ay nangyari limang araw matapos kong maranasan ang flashing lights. Naging madilim ang paningin ko sa kaliwang mata. Bagamat may naaninag ako sa peripherial vision ng aking kaliwang mata, ang gitna ay natatakpan na tila dark gray na bilog at wala akong makita.
Ano ang dahilan ng optic neuritis?
Autoimmune disease
Ang optic neuritis ay isa sa mga sintomas ng sakit na tinatawag na multiple sclerosis. Ito ay isang sakit na hindi gumagaling o hindi nagagamot. Sapagkat ito ay isang uri ng autoimmune disease na kung saan ang immune system na dapat ay pumoprotekta sa ating katawan mula sa mga virus, sakit at bacteria ay siyang sumisira at umaatake sa mga healthy cells sa ating katawan. Maliban sa Multiple Sclerosis, ang optic neuritis ay inuugnay rin sa autoimmune disease na tinatawag na MOGAD o Myelin Oligodendrocyte Glycoprotein Antibody-associated Disease.
Viral infection
Iniuugnay rin ang pagkakaroon ng optic neuritis sa pagkakaroon ng viral infection tulad ng beke, bulutong at trangkaso.
Pagpupuyat at labis na screen time
Sa aking sitwasyon, na kung saan ako ay napatunayang negative sa autoimmune disease at viral infection ay hindi maipaliwanag ang naging dahilan ng optic neuritis na naranasan ko. Pero base sa aking experience, ito ay maaring nakuha ko sa labis na pagpupuyat sa loob ng maraming taon at pagtratrabaho sa harap ng laptop ng maraming oras araw-araw. Dahil bilang isang writer ito ang buhay at nakagisnan kong gawin. At naniniwala akong naabuso ang mga mata ko na naging isa sa dahilan ng pamamaga ng mga nerves nito. Bagamat walang pag-aaral o pahayag ng siyensya na sumusuporta dito.
Ano ang lunas sa optic neuritis?

Para maibsan ang sintomas ng optic neuritis ay binibigyan ng corticosteroids o steroids ang nakakaranas nito. Ito ay nakakatulong para maibsan ang pamamaga at pananakit ng mata na idinudulot ng kondisyon. Bagamat ang pagbibigay nito ay hindi agad nagbibigay kasiguraduhan na babalik sa normal agad ang paningin ng taong nakakaranas nito.
Sa sitwasyon ko, nabigyan ako ng high dose steroids habang nasa ospital. Ipinagpatuloy ko rin ang paginom ng tableta nito ng halos tatlong linggo ngunit hindi parin bumabalik sa normal ang paningin ko.
Mga dapat asahan kung ikaw ay may optic neuritis
Tulad ng sinabi ko kahit mabigyan na ng gamot, ay hindi agad babalik sa normal ang paningin ng taong may optic neuritis. Ang complete healing ay maaring abutin ng ilang buwan bago tuluyang mangyari. Habang gumagaling o nagrerecover mula sa optic neuritis, ito ang ilan sa dapat mong asahan.
Unti-unting paglinaw ng paningin.
Mula sa completely dark na paningin ay maaring unti-unting makakita ng outline o shadows ilang araw matapos magsimula ang steroids therapy.


Unthoff’s phenomenon
May tinatawag rin na Unthoff’s phenomenon na nararanasan ng mga taong nakakaranas ng optic neuritis.Ito ay ang mas pagdilim ng paningin sa mata kung naiinitan ang katawan. Maaring matapos mag-ehersisyo o ikaw ay nasa mainit na lugar. Ito naman ay nawawala rin sa oras na tuluyan ng gumaling ang optic nerve.
Umiwas muna sa mabibigat na gawain o iyong mga nangangailangan ng pwersa.
Dahil nagrerecover pa ang nerves sa iyong mata, mahalaga na umiwas muna sa mga gawaing nangangailangan ng pwersa. Mahalaga rin na kumain ng mga masusustansyang pagkaing makakasuporta sa nerve healing.
Sa ngayon, matapos ang higit sa 20 araw na steroids therapy ay hindi parin nakakakita ng maayos ang kaliwa kong mata. Madilim parin ito bagamat nakakaaninag na. Inaasahan ko, base sa aking pagreresearch na sa mga susunod na linggo at buwan ay babalik sa ayos ang aking paningin. Agad kong i-update ang artikulong ito sa oras na may improvement sa aking paningin.

Leave a comment